September 25, 2007
Ang bilis ng panahon —- parang hinihila patungo sa araw ng ating pagkikita.
Balikan natin ang mga araw ng mga pagpaplano at paghahanda sa mataas na paaralan ng UP Diliman — limampung taong singkad and nakaraan.
Ang ating pangulo, si G. Ernesto Marcelo, na walang kahalintulad sa pakikisama at pagkamaalalahanin sa kanyang mga kamag-aral kabilang ang ilang naririto sa Pilipinas — Lillian, June, Delai, Carmen, Nonoy Buncio, Rody Bagabaldo, Sandy, Abay, Oca, sampu ng inyong lingkod, ay walang inaksayang oras upang ang pagtitipong ito ay maging masaya, makabuluhan at lakip alaala sa ating natitirang panahon sa daigdig na ating ginagalawan.
Sa ating mga kamag-aral na nasa ibayong dagat, hangad namin na masiyahan kayo na madala sa Pilipinas and inyong ngayon ay tunay ninyong tahanan. Huwag sana ninyong panghinayangan inyong pagparito. at sa ating mga kamag-aral na naiwan sa ating bayan, hangad din namin na kayo ay sumaya sa pakikipagkita sa mga kaibigan, katoto, na matagal na nawalay sa ating mga paningin.
Palaisipan sa atin ang madalumat — ano nga ba ang tagumpay? Sino ang mga nag-aangkin noon? Sinikap ng gruppo na maging pantay-pantay ang pagsasaalang-alang sa damdamin ng bawa’t isa, ng lahat ng ating mga kamag-aral na nagdulot ng galak at siphayo kung meron man sa ating bubot na mga kaisipan. Sa katotohanan, lahat kayo, tayo ay matatawag natin na tagumpay sa ating narating sa buhay. Sinong pantas ang makapagsasabing hindi tayo tagumpay? Sa gulang nating ngayon, ano pa ang ating mahihingi? — ano pa ang ating mairereklamo? Sabihin na lang natin, naging mabait at umayon sa atin ang pagkakataon kaya tayo ngayon ay nasa ating kalalagyan.
Sadyang hindi natin tayo ay mapagpantay-pantay tulad ng ating mga daliri na hindi rin magkakasinghaba, kaya sa mga inabot ng magandang kapalaran at naabot kanilang mga pangarap, ang aming pagbati, pagmamalaki; sa mga karaniwan at lalo na sa mga hindi umalis ng ating bayan at dito ipinagpatuloy, ibinuhos ang kanilang mga kakayahan, binabati din naming kayo sa tagumpay ng buhay.
Maraming salamat sa pagkakataong ating hinihintay dumating, gintong bahagi ito sa ating buhay!